Bangkay ni Aranas isasailalim sa 3rd autopsy
MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon ay muling isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Dennis Aranas ang ikalawang testigo sa pagpatay sa brodkaster at environmentalist na si Gerardo ‘Doc’ Gerry Ortega na sinasabing nagpakamatay sa loob ng selda sa Quezon, noong Enero 24.
Ayon kay Quezon Provincial Police Office (PPO) Director Sr Supt. Dionardo Carlos, ang re-autopsy sa bangkay ni Aranas ay isasagawa bunsod ng magkasalungat na resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation at forensic expert ng Public Attorneys Office (PAO).
Gayunman, nilinaw ni Carlos na hinihintay pa nila ang go signal ng pamilya ni Aranas para maisailalim ang bangkay nito sa ikatlong awtopsiya .
Una ng inilabas ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nag-suicide si Aranas habang sa ipinalabas namang resulta ng PAO forensic expert ay pinahirapan, sinakal sanhi ng mga nakuhang bakas ng kuko sa kanyang leeg na pinatay ng tinatayang 3-4 suspek kung saan hindi umano ito nag-suicide.
Si Aranas ay natagpuang nakabigti noong Pebrero 5, dakong alas-5:00 ng umaga sa loob ng selda nito sa Quezon District Jail pero hindi agad na-ireport sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon Police at ng dumating ang mga awtoridad ay malinis na ang selda kung saan nadala na rin sa morgue ang bangkay ni Aranas.
Magugunita na si Aranas ang nagsilbing lookout ng pagbabarilin at mapatay si Ortega sa Puerto Princesa City, Palawan kung saan ginawa itong state witness sa kaso laban sa magkapatid na akusado na sina dating Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes.
- Latest