Purisima ibinasura ang hiling ni marantan
MANILA, Philippines - Bigo ang kampo ni Supt. Hansel Marantan na mailipat ang imbestigasyon sa hurisdiksyon ng National Police Commission (Napolcom) sa kontrobersiyal na kasong shootout sa Atimonan, Quezon na ikinasawi ng 13 katao noong Enero 6 ng taong ito.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, ang ‘disciplinary body’ ng PNP ay mula sa Regional Director, Chief PNP, Napolcom, People’s Law Enforcement Board (PLEB) at Ombudsman upang maiwasan ang pagkakaron ng forum shopping kaya dapat ay isa lang ang magsagawa ng imbestigasyon.
Binigyang diin ni Purisima na ang PNP-IAS ang inatasan niyang magsagawa ng imbestigasyon sa kasong administratibo laban kay Marantan at iba pa kaya dapat lang tapusin ang nasimulang pagsisiyasat.
Anya na kapag pinayagan niya ang mosyon ni Marantan ay magkakaroon lamang ng ‘forum shopping “ na posibleng ikadismis ng kaso.
Inihayag pa ng PNP Chief na opinyon lamang umano ni Marantan ang sinasabing ‘pre judgement ‘ sa naturang kaso.
Magugunita na pinalagan ni Marantan ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP-IAS dahil maaga umano siyang hinusgahan ng PNP Chief na makakaimpluwensya sa imbestigasyon at hindi siya makakakuha ng patas na hustisya.
Si Marantan ang team leader na nagsagawa ng operasyon laban sa grupo ni Vic Siman, umano’y lider ng gun for hire na kabilang sa napatay sa kontrobersyal na shootout sa Atimonan.
- Latest