Paglilitis kay Gloria sa electoral sabotage iniliban
MANILA, Philippines - Pinaboran ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang petition ng prosecution ng Commission on Election (COMELEC) na ipagpaliban muna ang paglilitis sa kasong electoral sabotage na isinampa laban kina dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol.
Ayon kay Felda Domingo, tagapagsalita ng RTC Branch 112, pumayag si Judge Jesus Mupas, na ipagpaliban muna ang muling pagharap ng unang testigong si Susan Cabanban, ang dating election officer ng SK Pendatun matapos itong hilingin sa korte ni Senior State Prosecutor Orlando Mariano.
Nakasaad sa petition ni Mariano, na kailangan niyang dumalo sa mandatory continuing legal education, dahil ito ay isang obligasyong dapat niyang tugunan para sa kanyang propesyon bilang abogado.
Sinabi ni Mariano na hindi maaaring gampanan ng ibang prosecutor ng Comelec ang pagsasagawa ng direct exaÂmination sa una nilang testigo dahil siya ang nakatalaga rito.
May kanya-kanya na aniyang abogado ang Comelec na nakatoka sa ihaharap nilang 52 testigo na magpapatunay na may nangyari umanong pananabotahe sa 2007 election sa Maguindanao.
- Latest