Pulis na may kaso, nangholdap ng hapones
MANILA, Philippines- Isang pulis na may nakabinÂbin pang kaso dahil sa pagmamaneho na hindi rehistradong sasakyan at pag-iingat ng hindi lisensiyadong baril ay may bagong kasong kinakaharap matapos holdapin ang isang turistang Hapones noong nakalipas na Miyerkules.
Ang suspek na inaresto ay kinilalang si PO3 Eduardo Cayabyab, nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Administrative Unit sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon sa reklamo ng biktimang si Takayuki Matsuzawa, 40-anyos, ng Nagano, Japan, na dakong alas-7:00 ng gabi ay nakatayo siya sa harap ng isang restoran sa Pasong Tamo St., Makati City nang sitahin siya ni Cayabyab at sinabing bawal tumambay sa naturang lugar.
Pinasakay si Matsuzawa ni PO3 Cayabyab sa itim nitong Toyota Fortuner na walang plaka at sinabihang ihahatid ito sa kanyang hotel ngunit sa halip ay dinala sa West Service Road sa South Superhighway at hinoldap.
Nilimas umano ng pulis ang laman ng bag ng turista na P10,000 cash, 2,000 yen at tatlong Visa card bago pinababa ito ng sasakyan.
Nakasalisi naman ang dayuhan nang matangay ang cellular phone ng pulis na dinala nito nang magreklamo sa Pasay Police.
Nang buksan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management ang mga larawang kuha ng cell phone, nakita ni Matsuzawa ang larawan ni PO3 Cayabyab na nakasuot pa ng uniporme at positibong itinuro ng turista na siyang nangÂholdap sa kanya. Agad namang nakipagkoordinasyon ang Pasay Police sa NCRPO upang maaresto ang naturang suspek.
- Latest