Lie detector test isasalang sa kaibigan ng pinatay na Tsinoy trader sa San Juan
MANILA, Philippines - Ipapatawag ng pulisya ang kaibigan ng napaslang na negosyanteng si Kelvin Tan, 34, upang mabatid kung may katotohanan ang mga naging pahayag nito na ang kanyang bodyguard ang huling nakausap ng una bago ito pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan noong Lunes ng umaga sa Ortigas Avenue at Madison Street sa Greenhills, San Juan City.
Sinabi ni Supt. Bernard Tambaon, hepe ng San Juan City Police, ipapatawag nila si Bernard Yu, kaibigan ng biktima dahil sa inutusan umano niya ang bodyguard na si Reggie Guadayo na ibigay kay Tan ang halagang P200,00 na umano’y hiniram niya dito na kung saan naganap ang pamamaril sa biktima.
Hindi rin umano batid ni Yu na nag-withdraw pa ng P800,000 si Tan sa China Bank bago siya pagbabarilin.
Iginiit ni Supt. Tambaon na kung totoo ang mga sinasabi ni Yu ay lumilitaw na may dalang P1-milyon pera ang negosyante bago pagbabarilin sa labas ng bangko.
Una na ring lumutang ang anggulo na posibleng ‘business rivalry’ at personal na galit ang motibo ng ginawang pagbaril at pagpatay kay Tan.
- Latest