Off-duty na pulis inaresto sa gun ban
MANILA, Philippines - Isang lasing na pulis ang inaresto ng kanyang mga kabaro dahil sa gun ban matapos na mahulihan ito na may dalang baril gayung naka-off duty na siya naganap kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Ang suspek ay nakilalang si PO1 Thomas Janssen Tulio, 31, residente sa #245 4th St., panulukan ng 10th Avenue, Grace Park, Caloocan City at nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD).
Batay sa ulat, dakong alas-11:45 ng gabi ay sakay ng Aldan Taxi (TXX-676) ang isang Jennilyn Garbansoz, na umano ay karelasyon ni PO1 Tulio nang siya ay habulin nito sakay ng motorsiklo dahil sa hindi pagkakaunawaan.
Mabilis na pinatakbo ng driver na si Rodrigo Perez ang taxi na kung saan ay napadaan ito sa one way street sa Pascual at Araneta Avenues, Barangay Potrero ng naturang lungsod kaya’t naabutan ito ni PO1 Tulio at nagkaroon ng komosyon.
Namataan naman ito nang mga nagpapatrulyang pulis ng Malabon City ang kumosyon sa pagitan ng taxi driver, Garbansoz at PO1 Tulio.
Sinita ng mga pulis si Tulio at sinigawan nito ang mga pulis huwag makiaalam dahil away mag-asawa.
Napansin ng mga pulis na may bumubukol sa baywang ni PO1 Tulio dahilan upang kapkapan ito ay nakita dito ang isang kalibre .9mm na baril at agad itong dinakip.
- Latest