PNP: Pagsalubong sa Bagong Taon mapayapa
MANILA, Philippines - Naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagsalubong sa Bagong Taon ng 2013 sa buong bansa sa kabila ng marami ang naitalang nasugatan sa mga bawal na paputok at ligaw na bala.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr.,wala ring naitalang mga malalaking insidente ng kriminalidad sa kasagsagan ng selebrasyon.
Binigyang diin ni Cerbo na naging mapayapa sa pangkalahatan ang isinagawang kampanya ng PNP sa pinalakas na crackdown kontra sa pagbebenta ng mga bawal na paputok.
Sa serye ng operasyon, ay umaabot sa mahigit 200 katao ang naaresto na nakumpiskahan ng mga ipinagbabawal na paputok sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mas matiwasay anya ang pagsalubong sa 2013 kumpara nitong nagdaang taon kung ang titingnan ay ang sitwasyon ng peace and order.
Samantala, umpisa ngayong araw ay sisimulan na ng mga opisyal ng pulisya na tanggalan ng plaster ang dulo ng mga baril ng mga pulis upang mabatid kung may mga nasangkot sa indiscriminate firing o paggamit ng kanilang mga armas sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest