PRC commissioner na-frame up ng NBI
MANILA, Philippines - Isa umanong frame up ang ginawang pagdakip kamakailan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Professional Regulatory Commission (PRC) Commissioner Alfredo Po at patunay ang pagiging negatibo sa fluorescent powder o ultra-violet light examination.
Ayon sa pamilya ni Po, na sinertipikahan ni NBI Forensic Chemist na si Julieta Flores ang pagiging negatibo nito sa fluorescent powder na magpapatunay lamang na walang katotohanang tumanggap nito ang salaping nagkakahalaga ng P394,000.00 na umano’y kanyang hinihinging komisyon sa naaprubahang kontrata sa pagitan ng PRC at ni Ernesto Delos Santos kaugnay sa uupahang gusali sa Baguio City.
Ayon pa sa pamilya, nagpunta si Delos Santos sa kanyang tanggapan sa PRC noong Disyembre 5, dakong alas-4:00 ng hapon at inihagis sa mesa nito ang pera na umano’y komisyon nito.
Makalipas ang kalahating oras ay may tinawagan sa cell phone si Delos Santos at sinabing naibigay na niya ang pera at nagulat na lamang umano si Po nang magdatingan ang mga ahente ng NBI at kaagad na siyang dinakip ng mga ito.
Ayon pa pamilya, natuklasan nila na may nakabimbing kaso si Delos Santos sa sala ni Judge Edilberto Claravall ng Branch 60 ng Baguio City Regional Trial Court (RTC) at naglabas na rin ng warrant-of-arrest at walang inirekomendang piyansa.
Bagama’t kuwestiyonable umano sa kanila ang katauhan ni Delos Santos na may disbarment case din sa Korte Suprema, sinabi nila na nagtataka pa rin sila kung bakit nagawang i frame-up ang kanilang padre de pamilya gayung kapwa sila miyembro ng Rotary Club.
- Latest