Gusali sa Divisoria nasunog
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P10 milyon ang halaga ng mga natupok na ari-arian sa naganap na sunog sa isang gusali sa Divisoria, Binondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na report ni C/Insp. Bonifacio Carta ng Manila Fire Bureau, Arson Investigation Division, dakong alas-12:33 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa Atlantic Glassware, na isa sa omuukupa sa ground floor ng 3-storey building na pag-aari ng isang Lucio Co na matatagpuan sa panulukan ng M. de Santos at Tabora Sts., katapat lamang ng Divisoria Mall.
Napakabilis umanong itinaas sa 3rd at 4th alarm bandang alas-12:36, Task Force Alpha ala-1:05, bandang alas-2:10, TF Bravo, hanggang sa TF Charlie bandang alas-5:45 ng umaga.
Bandang alas-10:09 naman nang ideklarang fire under control ang sunog.
Pinaniniwalaan namang mga nakalatag na panindang fireworks at firecrackers sa labas ng nasabing gusali ang posibleng pinagmulan ng sunog na umabot sa siyam na oras.
“Mahirap po ang negosyo this year, tapos nasunugan pa sa bisperas ng Pasko,” wika ng isang Mark Yung, tenant sa gusali. “Sana lesson na po ito na ‘wag na tayong magtinda ng paputok para hindi na tayo makaperwisyo.”
- Latest