Para sa peacekeeping mission… Navy contingent, tumungo ng Haiti
MANILA, Philippines - Umalis na patungo ng bansang Haiti ang may 157 “All Navy AFP contingent” upang magsilbing peacekeeping force ng United Nations (UN).
Sa ginanap na send off ceremony kahapon sa Villamor Air Base, pinangunahan ni Navy Chief Vice Admiral Jose Luis Alano ang pagbibigay paalala sa ‘All Navy contingent’ na huwag bibiguin ang AFP sa misyon nito sa bansang patutunguhan ng mga Pinoy peacekeepers.
Sinabi ni Philippine Navy Spokesman Lt. Col. Omar Tonsay, ang mga peacekeepers ay binubuo ng 12 opisyal at 145 personnel ng Philippine Navy sa pamumuno ni Col. Jimmy Lareda.
Ang nasabing mga peacekeepers ay sinundo ng UN private aircraft kahapon ng umaga sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ayon kay Tonsay, ang naturang mga peacekeeping contingent sa Haiti ay ika-16 contingent sa UN Peacekeeping Force na papalit naman sa ika-15 All Navy contingent doon sa susunod na mga araw.
“Ang mga ito ay inatasang magbigay ng perimeter security sa Force Headquarters ng UN Mission, magbigay ng administrative at logistics clerical services sa Force Headquarters, mag-operate ng mga military vehicles doon at magbigay ng VIP security sa Force Headquarters”, ayon pa kay Tonsay.
- Latest