3 holdaper ng meat shop napatay
MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang tatlong holdaper na responsable sa panghoholdap sa isang sangay ng Monterey meat shop noong Martes matapos manlaban ang mga ito habang inaaresto sa isinagawang follow-up operation kamakalawa ng gabi.
Ang mga nasawi ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang identification card sa kanilang katawan ay sina Delfin Benitez; Mike Juval; at Daniel Caranto.
Sa pagsisiyasat, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa kahabaan ng Antoniette St., kanto ng Evangeline St., Parkway Village, Brgy. Apolonio.
Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Mario O. Dela Vega, bago ang shootout ay una nilang naaresto ang isa sa mga kasamahan nitong si Orlando Manuel Jr., 44, matapos nilang matukoy na ito ang driver ng ginamit na get away vehicle na taxi sa panghoholdap nila sa Monterey meat shop sa may Mindanao Avenue noong Martes ng gabi.
Nabatid na naplakahan ng empleyado ng meat shop ang taxi na ginamit ng mga suspek na Lady Christensen (TXJ-788) sa panghoholdap kaya’t nagsagawa ng beripikasyon ang tropa ng PS3 at natukoy na ang may-ari ay ang isang Camilo Obaña na naninirahan sa may no. 24 Celosia St., Macia IV, Sauyo sa lungsod.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang tropa sa bahay ni Obaña at nalaman mula dito na ang taxi ay pinapasada ni Manuel na naninirahan sa no. 2 Josephine St., Brgy. Apolonio Samson sa lungsod at naaresto ito.
Ginamit ng mga pulis si Manuel para kontakin ang mga kasama at magkita sa may Parkway Village, Brgy. Apolonio Samson.
Kasama si Manuel ng mga operatiba sakay ng isang taxi ay dumating ang mga suspek sa naturang lugar at habang papalapit sa taxi ay lumabas si Senior Insp. Fortunato at nagpakilalang pulis.
Mula dito ay naalarma ang mga suspek sabay bunot ng kanilang mga baril at paputukan ang mga otoridad na nauwi sa engkwentro at namatay ang mga una.
- Latest