Holdaper napatay sa barilan
MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang isang pinaghihinalaang holdaper habang nakatakas ang kasama nito sa naganap na shootout kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Ang suspek na namatay noon din ay inilarawan na nasa edad 45, may taas na 5’4”, kalbo, nakasuot ng itim na t-shirt at may panloob na kulay violet na sando habang nakasuot naman ng itim na damit at maong na pantalon ang nakatakas na driver ng motorsiklo
Sa imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Section, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang mamataan ng tropa nina SPO2 Rogelio Abellera, PO2 Reynaldo Cuevas at PO1 Dexter Martin, pawang taga anti-crime unit ng MPD PS 4 ang kahina-hinalang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang lalaki.
Nang sisitahin ng mga pulis ang dalawa dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at wala ring plaka ang kanilang motorsiklo ay mabilis na pinaharurot ng driver ang motorsiklo kaya’t hinabol ng pulisya hanggang sa makorner sa kanto ng Sobriedad at Fajardo Sts. Sampaloc.
Bumaba umano sa motorsiklo ang driver at mabilis na tumakas habang nakipagbarilan sa pulisya ang naka-angkas na tinamaan sa ulo na naging dahilan ng kamatayan.
Sa eksaminasyon ng pulisya, may tattoo na Tojot sa puson at Real sa mga binti ang napatay na suspek.
- Latest