Bartolome naiyak sa pagreretiro
MANILA, Philippines - Naging emosyonal at hindi napigilan ng nagretirong si PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na mapaiyak sa kaniyang huling talumpati sa pormal na pamamaalam sa serbisyo kahapon.
Pormal ng isinalin ni Bartolome ang kapangyarihan kay Deputy Director Gen. Alan Purisima, bilang ika-18 PNP Chief sa ginanap na turnover ceremony sa Camp Crame kahapon.
“Though 15 months may not have been enough to achieve all that I have set to do, I now stand before you, fulfilled and happy in the thought that I have done my best, but with a heart made heavy with the fact that I could have done more”, gumagaralgal na tinig ni Bartolome.
Pinasalamatan ni Bartolome ang lahat ng mga taong nagsilbing inspirasyon sa pagtupad niya sa kaniyang tungkulin kabilang si P-Noy, pamilya nito, mga mistah sa PMA Class ’80 at iba pa.
Si Bartolome, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1980 ay nagretiro ng maaga kahapon, tatlong buwan bago ang ika-56 taon na kaarawan sa Marso 2013, ang compulsory age retirement sa PNP.
“Sa pagbaba ko sa pwesto ngayon, panatag ang loob ko na iiwanan ko ang ating kapulisan na higit na may dangal at kakayahan, higit na may tiwala sa sarili at masigasig magserbisyo sa sambayanan,” wika pa ng nagretirong PNP Chief.
Si Purisima, produkto ng PMA Class 1981 ang nahirang ni Pangulong Benigno Aquino III na maging bagong pinuno ng PNP upang bigyang daan ang SAFE (Secured And Fair Elections) sa Mayo ng susunod na taon.
- Latest