P.3-M natangay… trader naisahan ng riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng pulisya ang publiko sa bagong modus-operandi ng mga riding-in-tandem suspek na kung saan ay tatawagan nila ng pansin ang mga motorista at sasabihin na flat ang gulong at kapag bumaba na ang driver ay doon na ito hoholdapin.
Ito ang naging babala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Mario O. Dela Vega, kasunod nang panghoholdap sa negosyanteng si Richard Gallega, 32, at residente ng Grapes St., Bernardino Subdivision, Brgy. Gen. T. De Leon,Valenzuela City ng apat na armadong lalaki at natangay ang P.3 milyong halaga ng salapi.
Sa ulat, bago naganap ang panghoholdap dakong alas-12:00 ng tanghali sa Scout Limbaga St., ay kinuha muna ni Gallega ang perang P200,000 na padala ng asawang nasa Palawan sa isang padala express sa España, Maynila at pocket money na P100,000 para ihulog sa bangko sa Makati City.
Habang tinatahak ni Gallega sakay ng kanyang Toyota Fortuner (TNQ-585) kasama ang isang Charlie Lutas ay biglang umanong nag-overtake sa sasakyan nila ang riding in tandem na mga suspek at sinigawan na flat ang gulong ng sasakyan.
Sa pag-aakalang may problema ang gulong, nagpasya si Gallega na huminto at pababain si Lutas para tingnan ito. Dito ay biglang bumaba ang backrider ng motorsiklo na armado ng baril at tinutukan si Lutas.
Sa puntong ito, sumulpot na rin ang isa pang riding-in-tandem at naglabas ng kanilang armas at tinutukan si Gallega at kinuha ang dala nitong salaping P300,000 at dalawang cell phone saka sumibat patungo sa may Scout Santiago St., Brgy Laging Handa.
- Latest