MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela General Hospital ang isang hindi pa kilalang lalaki matapos itong malunod sa ilog nang itulak habang umiihi ng hindi pa kilalang lalaki kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad 50 hanggang 60, maitim at katamtaman ang pangangatawan. Sa pahayag ng ilang saksi na dakong alas-2:00 ng madaling-araw ay nakita nila ang biktima na umiihi sa Tullahan River malapit sa Appleville, Santa Quiteria ng nabanggit na lungsod nang lapitan ng suspek at itulak.
Nahulog sa maburak na ilog ang biktima hanggang sa tuluyang lumubog at malunod na sinaklolohan ng ilang residente at dinala sa nabanggit na ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.