Mayor Gordon, nanguna sa Zambales survey
MANILA, Philippines - Pabor na ibalik sa Kongreso si Olongapo City Mayor James “Bong” Gordon ng malaking porsiyento ng mga botante sa unang distrito ng Zambales, batay sa survey na isinagawa ng Philippine Survey and Research Co. (PSRC) kamakailan.
Lumitaw sa random survey na iboboto si Gordon ng 77 porsiyento ng mga respondents pagdating ng 2013 elections, samantalang ang natitirang porsiyento ay pinaghahatian ng kanyang dalawang katunggali. Ang survey ay may margin of error na (+) (-) 3.7 porsiyento na batay sa sagot ng 700 botanteng tinanong kung sino ang ihahalal nilang kinatawan sa Kongreso.
Tinukoy ng mga lokal na political analysts na ang pagiging mataas ni Gordon sa survey ay patunay na ramdam pa rin hanggang sa ngayon ng mga taga-Olongapo at Zambales ang mga proyekto at programang ipinatupad nito noong umupo siyang congressman siyam na taon na ang nakararaan
Sa pareho ring survey ay nanguna naman ang dating Bise Gobernador ng Zambales at Olongapo First Lady Anne Gordon sa hanay ng mga kandidato sa pagiging alkalde ng Olongapo.
Humigit kumulang sa 63% ng mga tinanong ang nagsabing si Anne Gordon ang napipisil nilang pumalit bilang mayor ng Olongapo; 29% lamang ang may gusto sa pambato ng oposisyon na si Rolen Paulino, 1% naman ang pumili kay independent candidate Bugsy Delos Reyes habang 5% ang wala pang desisyon.
- Latest
- Trending