Sa harap ng campus… 3 FEU student pinagbabaril
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng nag-iisang lalaki ang tatlong estudyante ng Far Eastern University (FEU) habang tumatawid sa tapat ng kanilang eskwelahan kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital si Gerald Martin Ramos, 21, fine arts student at residente ng no. 540 Juan Luna St., Binondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa kanang bahagi ng dibdib at leeg.
Binawian ng buhay dakong alas-10:25 ng gabi si Paolo Nepomuceno, 17, ng no. 350 Jhocson St., Sampaloc, Maynila matapos isailalim sa surgical operation dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib, leeg at likod.
Si Nepomuceno ay anak ng isang pulis-Maynila na nakatalaga sa SWAT.
Habang malubhang nasugatan at ginagamot sa Mary Chiles Hospital ang ikatlong biktima na si Adrian Joseph Santiago, 17, ng no. 415 Poblacion, Baliuag, Bulacan.
Nabatid na ang tatlong biktima ay pawang mga miyembro ng FEU-Green Bison cheer drummers ng kanilang eskwelahan.
Ang suspek ay inilarawan na may taas na 5’4”- 5’6”, mahaba ang buhok, katamtaman ang pangangatawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:45 ng gabi ay kalalabas lang ng mga biktima sa kanilang campus at papunta na sana sa gymnasium sa R. Papa malapit sa Nicanor Reyes Sts., Sampaloc.
Habang papatawid ang mga ito ay sinalubong sila ng suspek at sunud-sunod na pinaputukan.
Samantala, may nakuhang kopya ang pulisya ng closed circuit television (CCTV)subalit malabo umano ito kaya nangangalap pa ng iba pang kuha ng CCTV sa kalapit na mga establisyemento para makilala ang salarin.
- Latest
- Trending