Dahil sa nakakasilaw na headlights… 3 empleyado ng DPWH dinedo
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang tatlong empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang apat pa ang nasugatan matapos umanong magalit ang hindi pa kilalang salarin na sinasabing nasilaw sa head lights sa sasakyan ng mga biktima sa Mulanay, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Inspector Romulo Albacea, hepe ng Mulanay Police, ang mga nasawi na sina Celso Red, 28; Ronald Monterey, 29 at Jason Rodelas, 23, na pawang dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Kasalukuyan namang ginagamot sa Bondoc Peninsula District Hospital sa bayan ng Catanauan ng lalawigan ang mga sugatang sina Zaldy Prado, 22; Leovino de Galicia, 44; Abraham Almero, 42 at Menardo Abella; 22 na pawang residente ng Brgy. Pakiing sa bayan ng Mulanay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-10:30 ng gabi sa tapat ng isang sari-sari store sa Barangay Buntayog, Mulanay, Quezon.
Ayon sa report, kinompronta umano ng suspek ang mga biktima dahil naka-full light ang kanilang service vehicle na Mitsubishi L-300 van na may plakang SFG-586 na kanya umanong ikinasilaw habang sakay ng motorsiklo.
Sinasabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkabilang panig na humantong sa pagbunot ng baril ng suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang mga biktima.
- Latest