Pagnanakaw ng TUP student sa campus huli sa CCTV
MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na management student ng Technological University of the Philippines (TUP) at SK kagawad rin sa kanilang lugar ang dinakip matapos mahuli ang ginawang pananalisi sa mamahaling kagamitan ng kapwa estudyante, sa loob ng TUP Campus, sa Ayala Boulevard, Ermita, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Ang suspek na dinala ng mga security guard ng TUP sa pulisya ay nakilalang si Christian Lamando, residente ng no. 57 Galicia St. Bangkulasi, Navotas City, matapos itong ituro dakong alas- 7:10 ng umaga, sa main entrance gate ng TUP na nagnakaw ng bag ng isang Jayvee Aguas, 2nd year civil engineering student.
Nang beripikahin sa nairekord na kuha ng closed circuit television, nakita ang pagkuha ng suspek sa ilang gamit sa bag ng biktima, habang abala ang lahat sa P.E. sa loob ng covered court.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jupiter Tajonera, ng Manila Police District-Theft and Robbery Section, bukod kay Aguas, may limang estudyante pa ng TUP ang pinagnakawan ng suspek, batay sa mga nabawing ebidensiya na kinabibilangan ng isang Blackberry phone, Neo laptop at My phone Android, Ipod Nano.
Katuwiran ng suspek na naisipan niyang magnakaw na ilang linggo na rin niyang ginagawa dahil sa kakapusan ng pera upang ipagamot ang ina na na-stroke.
Lumuluha ang ina ng suspek na si Aling Elvie, 56, labandera, nang alalayan ng mga kaanak sa pagtungo sa himpilan ng pulisya dahil pangako ng anak na ipagagamot siya, subalit hindi na umuwi matapos maaresto.
- Latest