Taxi driver na rapist nadakip
MANILA, Philippines - Pagkalipas ng pitong araw ay naaresto ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang taxi driver na itinuturong gumahasa sa kanyang 19-anyos na dalagang pasahero noong Nobyembre 12 sa may C6 Road, ng lungsod.
Ang suspek ay nakilalang si Jonar Ibanez, 38, ng no. 18 Angeles Compound, Tunasan, Taguig City.
Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Angeli, estudyante, sumakay siya sa taxi na minamaneho ng suspek noong gabi ng Nobyembre 12 buhat sa bahay ng kanyang kaibigan sa BF Homes, Parañaque at nagpahatid sa kanyang bahay sa South Signal Village, Taguig.
Habang binabagtas ang C6 Road ay itinabi ng suspek ang taxi sa tago at madilim na bahagi ng kalsada at ginahasa ang biktima.
Wala umanong nagawa ang biktima dahil sa pagbabanta sa kanyang buhay ng suspek na matapos makaraos ay tinangay pa ang kanyang pera at iba pang mahahalagang gamit bago ibinaba sa isang lugar sa Taguig kung saan nakauwi ang biktima at agad na sinabi sa pamilya ang naganap sa kanya.
Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong panggagahasa at robbery.
- Latest