Pagpasa ng mga bagong buwis, huwag madaliin – BMP
MANILA, Philippines - Huwag o madaliin ang pagpapasa ng mga bagong buwis.
Ito ang apela ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Senado at Kamara kasunod na rin ng mga kontrobersiya hinggil sa mga buwis sa ginto at mga ‘sin products.’
Ayon kay Leody de Guzman, national president ng BMP, dapat patunayan ng dalawang kapulungan ng kongreso ang kanilang institutional independence hindi lamang mula sa Malacañang kundi maging sa International Monetary Fund (IMF), kasunod na rin nang pagsasabi ng director nitong si Christine Lagarde na sumusuporta siya sa mga bagong tax, kabilang ang levy sa mga cell phone text messages.
Nanawagan ang BMP na magpatupad na lamang ng ‘status quo’ sa mga buwis habang nakabinbin pa ang pag-rebyu sa omnibus amendment ng buong taxation system.
Sinabi ni De Guzman, ang kasalukuyang sistema ay nakaasa sa mga sales taxes na mula sa mga consumers sa pamamagitan ng EVAT at sa compulsory deduction ng mga withholding taxes sa wage-earners, na hindi lamang aniya anti-poor kundi regressive at unconstitutional pa.
Nanindigan pa ang grupo na ang tax reform ay hindi lamang legal question kundi isyu ng buhay at kamatayan para sa mga manggagawang Pinoy at kanilang pamilya, na higit na nagdurusa sa pagbabayad ng buwis, kumpara sa mga mayayaman na may mga abogado at accountant upang maniobrahin ang kanilang salapi at makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
Ayon pa kay De Guzman, nakakaawa na nga ang take home pay ng mga manggagawa dahil bukod sa hindi ito sapat sa kinakailangang halaga para magkaroon ng disenteng buhay ay nababawasan pa ito ng malaki dahil sa mga withholding taxes, mga kontribusyon sa social welfare at EVAT kapag bumili ng mga pangangailangan ng mga pamilya.
- Latest