Bawal ang ‘no return, no exchange’ policy – DTI
MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang polisiya ng mga may-ari ng department stores, tiangge at tindahan na ang ipinatutupad na “no return, no exchange policy” sa mga produktong binili.
Ito ang naging babala ni Department of Trade and Industry (DTI) Zenaida Maglaya batay sa umiiral na Consumer Act of the Philippines kung saan papatawan ng kaukulang multa at iba pang parusa ang mga negosyanteng mapapatunayang nagpapatuapad nito.
Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga karatula na “No Return, No Exchange” sa mga tindahan o sa “sales invoice at resibo. Ipinagbabawal rin ang pagpi-print ng “seven-day return/exchange period sa mga tindahan o resibo.
Sinabi rin ng opisyal na bawal rin ang naturang patakaran kahit na “gift check” pa ang ibinayad ng isang customer.
Naglabas ng paglilinaw ang DTI makaraang dumagsa ang reklamo laban sa ilang mga tindahan at shopping malls na hindi kumikilala sa karapatan ng mga consumer na nais palitan o isauli ang biniling produkto kapag ang ibinayad sa kanila ay gift certificates o gift checks.
Hinimok niya ang mga mamimili na maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan kahit sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline 751-3330 sa oras na hindi tanggapin ng pinagbilhang tindahan na palitan ang kanilang depektibo o hindi tugma na biniling produkto dahil lamang sa gift certificates ang kanilang ginamit.
- Latest