LGU naalarma sa mga ilegal na minero sa Tampakan
MANILA, Philippines - Isang lokal na opisyal ng Hagonoy, Davao del Sur ang labis na nababahala dahil sa pagpasok ng ilegal na small-scale miners sa malawak na Tampakan mine site sa hanggahan ng South Cotabato at Davao del Sur.
Ayon kay Konsehal Dante Aznar, isang malaking banta ang makaluma at hindi napapamahalaang ilegal na small-scale mining na “wawasak sa kanilang mga kabundukan” at nagiging realidad ito sa patuloy na pagkabalam sa operasyon ng panukalang Tampakan mine project.
“Kapag hindi binigyan ng permiso ang SMI (Sagittarius Mines, Inc.) na makapag-operate, tiyak na papasukin at walang habas na magmimina ang small-scale miners sa kabundukan,” ani Aznar.
Ang SMI ang kinontrata ng gobyerno sa panukalang $5.9 bilyong Tampakan copper-gold mine na naantala ang operasyon matapos magpasa ng ordinansang Environment Code ang South Cotabato provincial government na nagbabawal sa open-pit mining sa lalawigan.
May ulat kamakailan na biglang tumaas ang antas ng asoge o mercury sa Pulabato river sa South Cotabato at sinisisi ng mga otoridad roon ang mga ilegal na nagmimina sa kabundukan.
- Latest