Stuntman tinodas ng mga preso sa selda
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela Medical Center ang isang 33-anyos na stuntman matapos itong masawi sa gulpi ng anim na preso na kasama nito sa detention cell ng Valenzuela City Police na naganap ng madaling-araw noong Linggo.
Ang nasawi ay kinilalang si Erwin Ponce, binata, ng #772 Sebastian Building MacArthur Highway, Barangay Malinta ng lungsod.
Ipinagharap ng kasong homicide ang mga presong sina Marcelo Dayaday, 38, (may kasong robbery homicide); Ronlad Cahil, 34, (kasong RA 9165); Julius Taguenis (may kasong RA 9165); Dizon Solaybar (may kasong theft); Allen Reyes at Felipe Nuñes, pawang mga taga-Valenzuela City.
Batay sa imbestigasyon, bago naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng madaling-araw sa loob ng detention cell ng Valenzuela City Police Station ay inaresto ng mga barangay tanod ng Malinta ang biktima sa kasong alarm scandal.
Matapos maipa-medical check-up ang biktima ay dinala ng mga tanod sa presinto at inimbestigahan nina SPO2 Arnel Soriano at PO2 Ruel Ruz at ipinasok sa nasabing kulungan.
Habang wala ang bantay na pulis sa nasabing kulungan ay dito na isinagawa ng mga suspek ang pambugbog na kung saan ay iniumpog ang ulo ng biktima sa pader na naging sanhi ng kamatayan nito.
- Latest