6 gun-for-hire napatay
MANILA, Philippines - Isang lider ng gun-for-hire at lima nitong tauhan ang napatay sa pakikipag-engkuwentro sa mga pulis kahapon ng umaga sa kahabaan ng Barangay Lecheria, Calamba City, Laguna.
Kinilala ni Chief Superintendent Abner Dimabuyu, Deputy Regional Director for administration 4A, ang limang napatay na sina Nestor Pera ‘Banog’ Jr, lider ng “Batang-Kubo” gang; Romeo Leviste Sagun; Alwin Magbujos Baldeo; David Mark Sanding Basa at Jose Sonny Bruel Mendoza. Habang inaalam pa ang pangalan ng isa nilang kasama.
Narekober sa mga suspek ang tatlong .45 pistol; 9mm; baby armalite; at mga sketches ng mga target nilang biktima; mga bala at bull cap na may tatak na “NBI” at sasakyan nilang brown Toyota Innova (TD1214) na gamit nila sa krimen.
Ayon kay Senior Superintendent Fausto Manzanilla, Laguna police director, na ang mga suspek ay sangkot din sa pagpatay sa isang pulis na si Romeo Creste sa bayan ng Cabuyao may tatlong linggo na ang nakakalipas.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa kanilang tipster sa Batangas dakong alas-2:00 ng madaling-araw tungkol sa mga suspek na patungong Laguna.
Kaya naman ay nagsagawa ang Calamba police force kasama ang Regional Special Operation Group 4A ng isang dragnet operation at checkpoint sa boundary ng Laguna at Batangas.
Pagsapit ng alas-8:30 ng umaga ay naharang ng pulisya ang brown Toyota Innova (TD1214) na may sakay ng anim na suspek sa kahabaan ng national road, Barangay Lecheria malapit sa sementeryo at squatter area.
Sa halip na huminto at bumaba ang mga suspek ay pinagbabaril umano ng mga ito ang mga pulis na gumanti ng putok at ang bakbakan ay tumagal ng mahigit 15 minuto. (Dagdag ulat ni Cristina Timbang)
- Latest