1 Todas, 4 tiklo… pagpatay sa model nalutas sa resibo
MANILA, Philippines - Sa pamamagitan ng nakuhang resibo mula sa Mcdonalds ay nalutas ng mga awtoridad ang brutal na pagpatay sa modelong si Julie Anne Rodelas.
Sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng madaling araw ay nagresulta ng pagkamatay ng isa sa mga suspek makaraang lumaban habang nadakip naman ang apat niyang kasamahan, kabilang ang mastermind sa krimen na kaibigan at kapwa modelo ng biktima.
Ang napatay na suspek ay kinilalang si Bob Usman, 30, nakatira sa Barangay Culiat, Quezon City. Habang ang apat na nadakip ay sina Althea Altamirano, 23 model; ang boyfriend niyang si Fernando Quiambao Jr., 32; Gelan Pasewalan, 28 at Jaymar Waradie, 22.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Mario O. Dela Vega, si Altamirano ang itinuturo umanong mastermind sa kaso, dahil siya ang sinasabing nag-utos para dukutin si Rodelas.
Sinasabing ang motibo ng krimen ay dati ng alitan ng dalawang modelo.
Sinabi ni Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, una nilang naaresto si Quiambao at Altamirano sa Apalit Pampanga, ganap na alas-5:30 ng hapon.
Matapos maaresto ang mag-syota ay ikinanta nila ang iba pang kasamahan na kanila umanong inupahan para dukutin si Rodelas pero nanlaban si Usman kaya napatay ng mga awtoridad.
Sa himpilan ng pulisya ay ikinatwiran ni Altamirano na hindi umano niya nais na mapatay si Rodelas sa halip ay gusto lamang umano niyang bigyan ng leksyon.
Itinuro ni Altamirano ang kanyang boyfriend na si Quiambao ang may kinalaman sa krimen na itinaggi naman nito. Magugunitang si Rodelas ay natagpuang walang buhay at may tama ng bala sa ulo sa may 18th Avenue, Cubao Quezon City noong November 6, 2012. Itinulak papalabas ng Montero ang biktima at pinagbabaril ng mga salarin.
Narekober sa tabi ng biktima ang isang plastic bag ng Mcdonalds na may lamang french fries at cheeseburger kasama ang resibo na siyang naging susi para matukoy ang naturang mga suspek.
- Latest