Kahit itinaas sa P2-M ang reward… ‘Big 5’ bigo pa rin maaresto!
MANILA, Philippines - Bigo pa rin ang mga law enforcement agency sa bansa na madakip ang tinaguriang ‘Big 5’ sa kabila ng pagtataas sa P2 milyon ang reward laban sa kanila bunsod na rin umano ng ‘culture of impunity’ sa bansa.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo bagama’t umaasa ito na makakatulong ang nasabing halaga upang madakip sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes, kapwa itinuturing na mga pangunahing suspek sa pagpaslang sa environmentalist at mamamahayag na si Dr. Gerry Ortega.
Ayon kay Bishop Arigo, makakatulong ang naturang salapi para mahuli ang magkapatid na Reyes, subalit naniniwala siyang hindi ito ang solusyon para mahinto ang ‘culture of impunity’ sa bansa.
Binigyan diin ng Obispo na ang pagpapatupad ng batas na patas at walang palakasan ang solusyon upang mapanagot ang mga maimpluwensiyang pulitiko at indibidwal na nasasangkot sa krimen.
Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan na tuldukan na ang katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nagiging daan ng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at mga wanted sa batas.
Nauna rito ay inihayag ng Department of Justice (DOJ) na magbibigay sila ng 2-milyong reward sa sinumang makapagtuturo para mahuli ang “Big 5 fugitives na sina dating Army General Jovito Palparan, dating Congressman Ruben Ecleo, negosyanteng si Delfin Lee, dating Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes na pawang wanted sa batas bunsod ng iba’t ibang kaso.
- Latest