2 pulis na nagpagamit sa isang mayor, sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak sa kanilang mga puwesto ang dalawang pulis matapos masangkot sa pakikisawsaw sa pulitika nang magpagamit sa binabantayang kandidato sa lalawigan ng Abra.
Kinilala ni Chief Supt. Benjamin Magalong, Regional Director ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) ang mga sinibak na parak na sina PO3 Raymund Palope at PO2 Jithelo Tuazon; pawang VIP security na escort ni La Paz Abra Mayor Joseph “JB” Bernos.
Ayon kay Magalong ang dalawang pulis ay sinibak niya sa puwesto matapos na makarating sa kaniyang kaalaman na nag-escort ang dalawang pulis ng mga inaawitang supporters sa huling araw ng pagpapatala ng mga botante sa tanggapan ng Comelec sa Brgy. Isit, Dolores noong Miyerkules.
Bukod dito, sinabi ni Magalong na hindi inisyung baril ng PNP ang dala nina Palope at Tuazon kundi pag-aari ng alkalde na isang MP5 submachine pistol na may isang magazine at 28 bala gayundin ang isang cal. 45 pistol na may isang magazine at pitong bala.
Lumalabas sa ulat, bandang alas-2:30 ng hapon nang dumating ang kampo ng alkalde kasama ang mga supporters na ipinatatala nito habang inieskortan ng dalawang pulis sa tanggapan ng Comelec sa bayan ng Dolores.
Dito ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ni Mayor Bernos at ni Armando Bernardino, Comelec Municipal Registrar ng Dolores dahilan ayaw nitong payagang magpatala ang mga supporters ng alkalde na pinaghinalaang hindi mga lehitimong residente sa lugar.
Sa puntong ito ay nakigulo na rin ang isa pang kandidato na si Dolores Mayor Robert Victor Seares Jr. kung saan ay humingi ng tulong ang huli sa mga otoridad upang maayos ang gusot.
Nagresponde naman ang mga pulis at dinisarmahan ang dalawang parak na escort ng alkalde na lumisan sa lugar.
- Latest