Mag-utol na pumatay sa UST Alumna arestado
MANILA, Philippines - Nadakip kahapon ng madaling-araw ng mga otoridad sa isinagawang hot pursuit operation ang isang tricycle driver at kapatid nitong vendor na mga suspek sa pagpatay at panghoholdap sa isang Alumna ng UST College of Tourism and Hospitality Management na si Cyrish Magalang, na natagpuang patay dahil sa tinamong 49 saksak noong Huwebes ng umaga sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ni Bacoor City police chief, Superintendent Romano Cardiño, ang mga suspek na sina Roel Gacita Jr., 24, tricycle driver at kuya nitong si Rolin Gacita, 27, tindero ng pechay.
Ayon sa pulisya, si Rolin ay siyang sumaksak kay Magalang gamit ang screw driver at nagbagsak ng hallow block sa mukha ng biktima.
Ang magkapatid na Gacita ay nadakip ng pinagsanib na elemento ng Cavite-Criminal Investigation and Detection Group 4-A at Bacoor police sa magkahiwalay na hideout sa Barangay Molino 3, dakong alas-4:00 ng madaling-araw.
Narekober ng mga otoridad ang bag ng biktima, company ID at screw driver na ginamit ng magkapatid na suspek sa pagpatay.
Lumalabas na pagnanakaw lamang ang gagawin ng magkapatid, subalit nanlaban umano ang biktima kung kaya’t pinagsasaksak ito ng 49 beses at ang bangkay ay itinapon sa abandonadong bahay kubo sa Gawaran Heights, Barangay Molino 7 at hindi rin hinalay ang biktima batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri ng crime laboratory.
Ayon naman kay Senior Superintendent Bernabe Balba, CIDG-4A regional director, na ang krimen ay naganap dakong alas-8:00 ng gabi noong Miyerkules at pauwi na sa bahay mula sa trabaho nang bumili ng pagkain sa isang tindahan ang biktima.
Sumakay ang biktima ng special trip sa tricycle na minamaneho ni Roel pauwi sa bahay at pagdating sa Barangay Molino 7, ay sumakay si Rolin at ilang metro na nakakalayo ang tricycle ay nagpahayag ng holdap ang magkapatid.
Kinaumagahan ng alas-7:00 ay natagpuan ang bangkay ni Magalang na tadtad ng mga saksak ang katawan, nakatali ng straw ang dalawang kamay at ang shortpants at underwear ay nakababa na.
Natukoy naman ng mga otoridad ang pinagtataguan ng magkapatid sa tulong ng mga residente at nakasaksi sa krimen.
Nakatakdang kasuhan ng robbery with homicide ang magkapatid sa Bacoor prosecutor office. - Ed Amoroso, Joy Cantos, Cristina Timbang-
- Latest