Rizal, planong gawing ama ng kooperatiba
MANILA, Philippines - Plano ni Sen. Lito Lapid na gawing ama ng kooperatiba ang national hero na si Dr. Jose Rizal makaraang ideklara ang 2012 bilang International Year of Cooperatives ng United Nations General Assembly.
Sa resolusyon ni Lapid, sinabi nito na ang bayaning si Dr. Jose Protacio Mercado Alonzo y Realonda Rizal ay nagpamalas ng paniniwala sa prinsipyo kooperatiba noong paanahon ng Kastila.
Naniniwala si Lapid na ginamit ni Rizal ang prinsipyo ng kooperatiba ng ma-exile siya sa Dapitan at hinikayat niya ang mga mamamayan doon na magtayo ng eskuwelahan.
Tumulong din si Rizal na mag-organisa ng mga magsasaka ng abaca sa Dapitan at nagtayo ng tindahan na tinawag na La Socieda de los Abacaleros na nag o-operate sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga miyembro.
Ayon kay Lapid nagsimula ang cooperativism sa bansa noong panahon ng Kastila na natutunan naman ng mga illustrados na nag-aral sa Europa.
Aniya, panahon na para may kilalaning ‘Ama ng Kooperatiba’ sa bansa at nararapat ibigay ang nasabing karangalan kay Rizal.
- Latest
- Trending