MANILA, Philippines - Nadakip ng mga otoridad ang isang mag-live in at dalawang Chinese sa isang shabu buy bust operation kahapon ng hapon sa San Juan City.
Nakumpiska sa mga suspek na kinilalang sina Wang Yong Ji, 30, at Dong Sin Chen, 29, kapwa tubong Fukien, China, at nanunuluyan sa F.B. Harrison St. Pasay City at mag-live in na sina Bryan Legro, 29, at Juveline Mista, 25, kapwa
residente ng Pena St., Dau, Mabalacat, Pampanga ang 2 kilo na high grade shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon na nakuha sa sasakyan ng dayuhan na Subaro (XKV-819).
Batay sa ulat ni Eastern Police District (EPD)- District Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (DAIDSOTF) chief P/Senior Insp. Virgilio Santiago, dakong 12:30 ng tanghali nang maaresto ang mga dayuhan sa Club Filipino Safe, North Greenhills, San Juan City.
Kasamang naaresto ang mag-live in dahil nandoon ang mga ito at bumibili ng 1 kilo ng shabu sa mga Intsik para dalhin sa Pampanga at doon naman ibenta.
Nabatid na isang linggo munang minanmanan ng mga otoridad ang dalawang Chinese matapos na makatanggap ng impormasyon hinggil sa illegal na operasyon ng mga ito.
Nakipag-transaksiyon din umano sa mga otoridad, gamit ang budol o marked money na nagkakahalaga ng P20,000 para bumili ng limang kilong shabu.