Misis pinahiya, mister inutas
MANILA, Philippines - Marahil ay napundi na ang isang misis sa kanyang mister na umano ay lagi siyang ipinapahiya sa harap ng mga kainuman kung kaya’t sinaksak niya ito habang mahimbing na natutulog kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Makati Medical Hospital ay nakilalang si Octavio Elayda, Jr., 36, security inspector ng Superior Security Services, Inc., at residente ng Legaspi St., Brgy. Olympia ng lungsod.
Arestado naman ang misis nitong si Annalyn Elayda, 32, na kinasuhan ng parricide.
Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang pananaksak ng misis sa kanyang mister dakong ala-1:30 ng madaling-araw ay nakikipag-inuman muna ang biktima sa mga kapitbahay nito.
Dito ay dumating si Annalyn sa inuman at pinakiusapan ang mister na umuwi na.
Napahiya umano ang mister kung kaya’t gumanti din ito at ipinahiya ang misis sa mga kainuman na nagresulta ng mainitang pagtatalo hanggang nagpasya na lamang umuwi ang mga ito.
Sa sobrang kalasingan ng mister ay agad itong nakatulog hanggang sa saksakin ng misis na noon ay galit na galit pa dahil sa pangyayari.
- Latest
- Trending