Petro Gazz puro na

Cool Smashers wagi sa Chargers
MANILA, Philippines — Inilapit ng Petro Gazz ang sarili sa finals spot sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference matapos takasan ang Choco Mucho, 24-26, 25-18, 25-17, 27-25, kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagkadena si Fil-Am Brooke Van Sickle ng triple-double na 17 points, 22 receptions at 12 digs para sa 2-0 record ng Gazz Angels sa single-round robin semifinals.
Bagsak ang Flying Titans sa 0-2.
“We’re still in semifinals, we’re just taking it game by game. Even though we’re 2-0 right now it doesn’t mean, I don’t know. I don’t think we’re in right now,” ani Van Sickle.
Pormal nang makukuha ng Petro Gazz ang finals berth kung tatalunin ang Akari bukas sa Smart Araneta Coliseum kung saan posibleng magkaroon ng playoff para sa ikalawang finals berth.
Sa unang laro, patuloy ang dominasyon ng nagdedepensang Creamline sa Akari matapos hatawin ang 25-18, 25-19, 25-19 panalo para sa magkatulad nilang 1-1 marka.
Ito ang pang-walong sunod na demolisyon ng Cool Smashers sa Chargers simula nang pumasok ang huli sa liga noong 2022.
Humataw si Bernadeth Pons ng triple-double na 17 points, 15 receptions at 12 digs habang nagtala sina Pangs Panaga at Tots Carlos ng tig-13 markers para sa Creamline.
“Alam namin kung gaano ka-important itong game na ito. It’s a do or die game, so talagang pinaghirapan namin at inenjoy talaga namin iyong game” sabi ng six-footer na si Panaga na tumipa ng 10 attacks, dalawang aces at isang block.
Nakabangon ang 10-time champions mula sa naunang four-set loss sa Petro Gazz noong Sabado.
- Latest