Lyceum silat sa Baste

MANILA, Philippines — Hinigpitan ng San Sebastian College-Recoletos ang kapit nila sa magic four matapos pagulungin ang Lyceum of the Philippines, 30-28, 25-21, 25-18 sa NCAA Season 100 wo­men’s volleyball tournament 1st round elims na nilaro sa EAC Gym-Gen. Luna sa Paco, Manila, kahapon.

Hinarurot ng Lady Stags sa tatlong sets ang Lady Pirates pero napahirapan pa rin ng bahagya ang una dahil nagkaroon ng extended first set at natapos sa iskor na 30-28.

Lumiyab sa opensa para sa SSC-R si Katherine Santos na nagtala ng game-high 22 points mula sa 21 attacks at isang block.

Nasa solo fourth spot ang Lady Stags tangan ang 5-2 card kaya lumakas ng bahagya ang asam nilang umusad sa susunod na phase pagkatapos ng 10-team double round robin eliminations.

Bumakas din sa puntusan ang ibang Lady Stags netters na sina Juna May Gonzales na may 11 points at Divine Roshielle Garcia na nilista ang 10 markers.

Mag-isa pa rin sa una­han ang University of Perpetual Help System DALTA na may 6-0 record habang magkasalo sa Nos. 2 at 3 ang defending champion College of Saint Benilde at Letran na may tig-6-1 karta.

Show comments