Ateneo umeskapo sa UP
MANILA, Philippines — Limang sets ang kinailangan ng Ateneo De Manila University para pagulungin ang University of the Philippines, 15-25, 25-23, 27-25, 30-32, 16-14, sa second round ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Winalis ng Blue Eagles ang Lady Maroons ngayong season upang ilista ang 3-5 karta at sumalo sa three-way tie sa No. 5 spot kasosyo ang Adamson Lady Falcons.
Sina team captain Lyann de Guzman, AC Miner at Yvanna Sulit ang naging matikas sa dikdikang laban upang akayin ang Ateneo sa pahirapang panalo.
Nahirang na Player of the Game si De Guzman matapos ilista ang 25 points mula sa 23 attacks at tig-isang block at service ace.
Sa unang laro, pumalo si super rookie Shaina Marie Nitura ng 18 points para gabayan ang Lady Falcons sa 25-20, 25-11, 25-21 panalo kontra University of the East Lady Warriors.
Nauna nang pinadapa ng Adamson ang UE sa first round, 25-20, 25-15, 25-12, noong Pebrero 26.
Bumida rin sa opensa ng Lady Falcons sina Mayang Nuique at Barbie Jamili na may 11 at 9 points, ayon sa pagkakasunod.
- Latest