Ginebra, TNT tabla sa 2-2

MANILA, Philippines — Kumawala ang Barangay Ginebra sa fourth quarter upang itagay ang 95-78 tambak na panalo kontra sa Talk ‘N Text sa Game 4 at maitabla ang kanilang serye sa 2-2 sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup finals kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Sorpresang naglaro si Justin Brownlee na naging inspirasyon ng Gin Kings para maiganti ang 87-85 kabiguan sa Game 3 na hindi natapos ang laro dahil sa dislocated finger injury.
Hindi ininda ni Brownlee ang injury at kumamada pa rin ng 23 puntos, 12 rebounds, 5 assists at 2 tapal habang nagliyab naman sa 24 puntos sa naibuslong 6 na tres si Jamie Malonzo.
Nag-ambag ng 18 at 12 puntos sina Japeth Aguilar at Stephen Holt, ayon sa pagkakasunod, para sa mga bataan ni coach Tim Cone na dinomina ang Tropang Giga sa fourth quarter, 23-12.
Nagkasya lang sa 14 puntos si Rondae Hollis-Jefferson na kaka-korona lang bilang Best Import habang nauwi sa wala ang 17 at 16 puntos nina Calvin Oftana at Roger Pogoy, ayon sa pagkakasunod, para sa trop ani coach Chot Reyes.
Sa presensya ni Brownlee, maagang rumatsada sa 31-21 ang Ginebra sa fourth quarter subalit nahabol ng TNT na nakalamang pa sa 63-61 bago ang malupit na panapos na bomba ng Gin Kings tungo sa pinakamalaking tagumpay sa serye.
Samantala, tinanghal na Best Player of the Conference si Arvin Tolentino ng NorthPort.
Ito na ang unang BPC award ni Tolentino sa kanyang karera habang naisukbit naman ni Hollis-Jefferson ang kanyang ikatlong sunod na Best Import plum matapos maghari sa nakaraang dalawang Governors’ Cup.
Trinangkuhan ni Tolentino ang Batang Pier sa semifinal finish ngayong conference matapos mag-rehistro ng 23.0 puntos, 7.4 rebounds, 3.9 assists, 1.5 steals at 1.1 blocks para sa pinakamataas na parangal sa PBA conference.
Sa Best Import derby, wagi uli si Hollis-Jefferson na inakay sa ikatlong sunod na finals appearance ang Tropang Giga matapos tumabo ng 28.2 points, 12.4 rebounds, 5.0 assists, 1.9 steals at 1.8 blocks.
- Latest