JRU hinataw ng Mapua
MANILA, Philippines — Ganadong pumalo ng bola si Raissa Janel Ricablanca kaya naman muli nitong pinasan ang Mapua University sa 25-21, 25-22, 25-15 panalo kontra Jose Rizal University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na ginanap sa JRU Gym sa Kalentong, Mandaluyong, kahapon.
Kumana si Ricablanca ng 19 points mula sa 18 attacks at isang service ace para sa Mapua na nasolo ang No. 4 spot ng team standings tangan ang 4-2 record.
Ipinaramdam ng Lady Cardinals ang kanilang lakas sa unang dalawang sets matapos makipagsabayan ang Lady Bombers.
Nakaramdam ng pagkapagod ang Lady Bombers sa third frame kaya nadomina sila ng Lady Cardinals, 15-25 at tinapos ang laro sa loob lamang ng isang oras at 16 minuto.
Nakatulong ni Ricablanca sa opensa sina Freighanne Seanelle Garcia at Alyana Nicole Ong na kumamada ng tig-11 markers para sa Intramuros-based squad na sunod na makakalaban ang San Beda University sa Marso 29 sa EAC Gym.
Samantala, pinulbos ng defending champion College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines, 25-16, 25-17, 25-14 sa pangalawang laro ng women’s division.
- Latest