Eala lusot sa 1st round ng Miami Open

MANILA, Philippines — Tinakasan ni Pinay tennis sensation Alex Eala si American rival Katie Volynets, 6-3, 7-6 (3), sa opening round ng 2025 Miami Open kahapon.
Ito ang unang paglalaro ng 19-anyos na si Eala sa Miami Open main draw kung saan niya ginulat ang World No. 73 na si Volynets.
Ang Pinay netter ay isa sa walong wildcard recipients sa torneo at nakatakdang labanan si Jelena Ostapenko ng Latvia sa round of 64.
Ang No. 25 na si Ostapenko ay nakakuha ng bye sa round of 128.
Noong nakaraang taon ay nakalusot si Eala sa second round ng Miami Open qualifiers bago sinibak ni Emiliana Arango.
Matapos namang kunin ang first set, 6-3, ay hinataw ni Eala ang 5-3 bentahe sa second frame bago nakatabla si Volynets sa 5-5.
Inagaw ng Asian Games bronze medalist ang 6-5 kalamangan, ngunit muling nakadikit ang 23-anyos na American sa 6-6.
Sa tie-break ay pinalo ni Volynets ang 3-1 advantage, subalit unti-unting nakabangon si Eala patungo sa panalo.
- Latest