PLDT pinagbakasyon na ng Choco Mucho

MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Choco Mucho ang pagwalis sa PLDT matapos kunin ang 25-15, 12-25, 25-23, 21-25, 15-13 panalo sa Game Two ng kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bumanat si Sisi Rondina ng 21 points mula sa 18 attacks, dalawang service ace at isang block habang may 15 markers si Royse Tubino.
Nauna nang tinalo ng Flying Titans ang High Speed Hitters sa Game One, 20-25, 19-25, 25-15, 25-20, 18-16, bago tapusin ang kanilang best-of-three showdown sa 2-0.
“Hindi sila bumigay, gusto talaga nilang makabalik sa semifinals. Sobrang thankful ako sa naging performance nila,” ani coach Dante Alinsunurin sa pagpasok nila sa round-robin semifinals kung saan ang top two teams ang sasampa sa best-of-three championship series.
Matapos ang magkasunod na iskor ni Fil-Canadian Savi Davison na nagtabla sa PLDT sa 13-13 sa fifth set ay kumonekta si setter Mars Alba para sa match point ng Choco Mucho.
Ang hataw ni Rondina ang tuluyan nang sumelyo sa ikalawang sunod na panalo ng Flying Titans sa High Speed Hitters sa serye.
“Sobrang saya. Kudos sa mga teammates ko at sa mga coaches. Starting from the bottom now we’re here guys,” wika ni Alba na nagtala ng 22 excellent sets bukod sa pitong puntos.
Kumpara sa Game One kung saan itinala ng PLDT ang 2-0 bentahe sa laban bago inangkin ng Choco Mucho ang sumunod na tatlong frames, nagpalitan ng panalo ang dalawang koponan patungo sa fifth set.
- Latest