Letran, Perpetual umiskor ng panalo
MANILA, Philippines — Tinuhog ng Letran ang malinis na limang panalo matapos payukuin ang Emilio Aguinaldo College, 25-22, 22-25, 25-19, 25-16 sa pangalawang laro ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na ginanap sa JRU Gym sa Kalentong, Manila, kahapon.
Nagtulungan sa opensa sina Marie Judiel Nitura at Sheena Vanessa Sarie upang tulungan ang Lady Knights na palakasin ang kapit sa pangalawang puwesto sa team standings.
Solo ng University of Perpetual Help System DALTA ang top spot tangan ang 6-0 karta matapos nilang pagpagin sa unang laro ang San Sebastian College-Recoletos, 25-10, 19-25, 25-22, 25-19.
Bumangis ang Lady Knights ng matisod sila sa second set, nagsanib puwersa sina Nitura, Sarie, Verenicce Colendra at Nizelle Aeriyen Martin para tuhugin ang panalo sa set 3 at 4.
Pinamunuan ni Nitura ang opensa para sa Letran sa tinikadang 17 points mula sa 15 attacks at dalawang blocks habang 16 ang kinana ni Sarie at may 12 at 9 points ang tinipa nina Colendra at Martin, ayon sa pagkakasunod.
Nirehistro ni Elizza Mae Alimen ang 15 markers para sa Lady Generals na nalasap ang pang-limang talo sa anim na salang.
Samantala, si Jemalyn Menor ang bumida sa puntusan para sa Lady Altas matapos itarak ang 21 markers.
Ipinaramdam ng Lady Altas ang kanilang lakas sa unang set nang magtulungan sa opensa sina Menor, Daizerlyn Joyce Uy at Shaila Allaine Omipon, nilimitahan nila ang Lady Stags sa 10 puntos.
Nagising ang SSC-R sa second set, pumalag para makopo ang panalo, subalit hindi na rin pinatagal ng Perpetual Help ang laban.
- Latest