Semis ikakasa ng chargers

MANILA, Philippines — Tutuluyan ng Akari ang Galeries Tower para makasampa sa semifinal round ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Chargers ang Highrisers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Choco Mucho Flying Titans at PLDT High Speed Hitters sa alas-4 ng hapon sa Game Two ng kani-kanilang quarterfinals series sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw ang Akari ng 21-25, 25-19, 20-25, 25-16, 15-11 panalo sa Game One para sa 1-0 abante sa kanilang best-of-three showdown ng Galeries Tower.
May tsansa ang Chargers na walisin ang Highrisers papasok sa semifinals.
“Hindi porket nanalo kami titigil na kami. So para sa amin, hangga’t hindi namin nagagawa ‘yung pinaka-goal namin o nakukuha, hindi pa ito ‘yung pinakagusto namin,” ani Akari star spiker Ivy Lacsina na pumalo ng 28 points mula sa 22 attacks at anim na kill blocks laban sa Galeries Tower.
Muling makakatuwang ni Lacsina sa Chargers sina Eli Soyud, Grethcel Soltones, Fifi Sharma, Camille Victoria, Michelle Cobb, Faith Nisperos at Steph Bustrillo.
Muling itatapat ng Highrisers sina Jewel Encarnacion, France Ronquillo, Ysa Jimenez at Roselle Baliton.
Samantala, ang sweep din sa PLDT ang misyon ng Choco Mucho matapos kunin ang Game One, 20-25, 19-25, 25-15, 25-20, 18-16.
- Latest