Rondina lumagare sa Choco Mucho
MANILA, Philippines — Maski na nalubog sa 0-2 sa PLDT ay kumpiyansa si Sisi Rondina na makakabalik ang Choco Mucho sa laro.
Humataw ang 5-foot-6 na si Rondina ng 31 points bukod sa 15 excellent digs at 12 receptions sa 20-25, 19-25, 25-15, 25-20, 18-16 pagdaig ng Flying Titans sa High Speed Hitters sa Game One ng kanilang 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference quarterfinals series noong Sabado.
“Ako sabi ko nga hangga’t hindi sila nananalo ng tatlong sets, kaya naming bawiin,” wika ng palabang pambato ng Compostela, Cebu.
“Contribute lang nang mag-contribute, tulong lang kung saan ako puwedeng tumulong,” dagdag nito.
Maraming fans ng Choco Mucho ang tumamlay nang kunin ng PLDT ang 2-0 bentahe sa laro sa likod nina Fil-Canadian Savi Davison at Erika Santos.
Ngunit ipinakita ng Flying Titans ang kanilang malaking puso at inagaw ang 1-0 lead sa best-of-three showdown nila ng High Speed Hitters.
Naitabla ng PLDT ang laro sa 14-14 sa pangunguna ni Davison bago isalpak ni Rondina ang winning point para sa Choco Mucho.
Kailangan na lamang talunin ng Flying Titans ang High Speed Hitters sa Game Two sa Huwebes para makasampa sa semifinals.
Ito rin ang pakay ng Akari laban sa Galeries Tower matapos paluin ang 21-25, 25-19, 20-25, 25-16, 15-11 panalo sa sarili nilang serye.
- Latest