Tropang Giga kumonekta sa 1-O lead sa PBA Finals

MANILA, Philippines — Malakas ang signal ng TNT Tropang Giga sa Game 1 matapos hindi patomahin ang Barangay Ginebra, 95-89, sa pag-arangkada ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven finals series kahapon sa Mall of Asia Arena.
Rumatsada sa maagang 17-puntos na bentahe ang Tropang Giga at hindi na lumingon pa tungo sa kumbinsidong tagumpay para sa 1-0 kartada ng kanilang ikalawang sunod na pagtutuos ngayong Season 49.
Wagi ang TNT kontra sa Ginebra sa Governors’ Cup finals noong nakaraang taon, 4-2, at nakauna agad sa tangkang back-to-back title papasok sa krusyal na Game 2 bukas sa parehong venue.
Walang kupas ang reigning Best Import na si Rondae Hollis Jefferson na kumamada ng halos triple-double na 34 points, 13 rebounds at 8 assists.
Tampok sa pamamayani ni Hollis-Jefferson, na 2-0 na kay resident Ginebra import Justin Brownlee sa finals ang panapos na freethrows sa huling dalawang segundo matapos lumapit sa hanggang apat na puntos ang Gin Kings sa four-point shot ni RJ Abarrientos.
Umayuda kay Hollis-Jefferson si Roger Pogoy na may 15 points, habang may tig-10 markers din sina Calvin Oftana at Rey Nambatac.
Nag-ambag din ng tig-walong puntos sina Kelly Williams at Glenn Khobuntin, habang may tig-limang puntos na kontribusyon sina Poy Erram at Kim Aurin.
- Latest