Bambol tutulungan ang curling

MANILA, Philippines — Tiwala si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino na mas lalo pang lalakas ang curling na posibleng maging isang regular na libangan sa bansa.
Nakakuha ng spotlight ang curling nang angkinin ng Pilipinas ang gintong medalya sa katatapos na 9th Asian Winter Games sa Harbin, China.
Dahil dito, marami ang nagkaroon ng interes sa curling.
Kaya naman hangad ni Tolentino na makakuha ng suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor upang mapalawak ang naturang sport sa Pilipinas.
“After this success, they were noticed. The future is bright for this sport and we will work on that. This sends a message that Filipinos can excel in any sport and in anywhere,” ani Tolentino.
Nakabalik na sa bansa ang Philippine men’s curling team na siyang nagbigay ng kauna-unahang gintong medalya sa Asian Winter Games.
Kabilang sa mga tinalo ng Pinoy squad ang malalakas na koponan sa Asya gaya ng South Korea, Japan at China.
Nagsanib-puwersa sina Marc Pfister, Alan Frei, Christian Haller at Enrico Pfister upang pataubin ang South Korea sa championship round sa iskor na 5-3 upang makuha ang gintong medalya.
Nais din ni Curling Pilipinas president Benjo Delarmente na mas lalo pang lumaganap ang curling sa Pilipinas.
Sinabi ni Delarmente na bagay ang larong ito sa mga Pilipino na gaya ng billiards at bowling ay maaring kagiliwan o maging libangan ng lahat.
Alam ni Delarmente na isang tropical country ang Pilipinas kung saan pangunahing problema rito ang magiging venue dahil sa yelo nilalaro ang curling.
Ngunit maaari itong simulan sa floor curling kung saan hindi na kailangan ng yelo.
Plano rin ng Curling Pilipinas na makatuwang ang ilang mga colleges at universities sa bansa para mapalawak pa ito.
- Latest