Blockbuster trade ng Lakers at Mavs

NEW YORK — Sa isang blockbuster trade na inaasahang makakaapekto sa balanse sa Western Conference ay pumayag ang Los Angeles Lakers, Dallas Mavericks at Utah Jazz sa isang three-team deal.
Ibibigay ng Lakers si star center Anthony Davis sa Mavericks kapalit ni superstar point guard Luka Doncic.
Bukod kay Doncic, makukuha rin ng Los Angeles sina Maxi Kleber at Markieff Morris.
Tatanggapin naman ng Dallas sina Davis, Max Christie at isang 2029 first-round pick.
“I believe that defense wins championships,” sabi kahapon ni Dallas general manager Nico Harrison sa pagte-trade nila kay Doncic kapalit ni Davis. “I believe that getting an All-Defensive center and an All-NBA player with a defensive mindset gives us a better chance. We’re built to win now and in the future.”
Samantala, nakuha ng Jazz si Jalen Hood-Schifino, ang 2025 second-round pick ng Clippers at ang 2025 second-round pick ng Mavericks.
Hindi naman kaagad natanggap ni Lakers’ superstar LeBron James ang nasabing trade dahil sa matibay nilang tambalan ni Davis.
Nagtuwang sina James at Davis sa paggiya sa LA team sa 2020 NBA championship.
Nagtala si Davis ng mga averages na 25.7 points, 11.9 rebounds at 3.4 assists per game.
Ang Mavericks ang nagpasimuno sa trade dahil sa kawalan ng disiplina ni Doncic sa kanyang diet at conditioning na nagresulta sa mga injury issues ng 25-anyos na Slovenian.
Nang mag-report siya sa Dallas training camp ay tumimbang siya ng 260 pounds.
Hindi siya nakita sa limang laro noong Nobyembre dahil sa kanyang katabaan.
Inilista siya ng Mavericks na may sprained right wrist para mabigyan siya ng sapat na panahon sa kanyang conditioning na naging problema niya sa 2022-23 season.
- Latest