Pons sinandalan ng Creamline sa 5th set

MANILA, Philippines — Inamin ni outside hitter Bernadeth Pons na tumamlay ang nagdedepensang Creamline sa third at fourth set bago nakabalik sa fifth frame para talunin ang Cignal HD, 25-19, 26-24, 23-25, 23-25, 15-9, sa 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference noong Sabado sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Si Pons ang sinandalan ng Cool Smashers sa fifth set para iposte ang imakuladang 7-0 kartada sa torneo.
“Noong fifth set hindi na namin inisip na down two sets kami. Parang zero-zero na kasi,” wika ni Pons.
“Ang ganda lang nu’ng fifth set kasi parang bumalik ‘yung energy ng team, kasi nawala talaga nu’ng third and fourth set, parang naging medyo matamlay,” dagdag ng 2024 Reinforced Conference Most Valuable Player.
Pumalo si Pons ng 27 points mula sa 24 kills, dalawang aces at isang block bukod sa 14 excellent digs.
Bagsak ang HD Spikers sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 5-3 marka.
Inilista ng Creamline ang 2-0 bentahe matapos itakas ang 25-19 at 26-24 panalo sa first at second set, ayon sa pakakasunod.
Sa likod ni Vanie Gandler ay nagawa ng Cignal na maitabla ang laro sa 2-2.
Ngunit bumandera si Pons sa fifth frame para sa panalo ng Cool Smashers.
“Actually, gusto ko lang din talagang maging consistent, ‘yung goal ko lang talaga everyday sa training pa lang, mag-improve na kahit one percent lang every day,” sabi ng dating Far Eastern University spiker.
- Latest