Back-to-back wins target ng Akari
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Akari ang ikalawang dikit na panalo, habang ang pang-pitong sunod na ratsada ang gagawin ng nagdedepensang Creamline sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Chargers ang Capital1 Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang pakikipagkita ng Cool Smashers sa Cignal HD Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bumabandera ang Creamline sa kanilang 6-0 record kasunod ang Petro Gazz (6-1), Cignal (5-2), PLDT (5-3), Chery Tiggo (5-4), Choco Mucho (5-3), ZUS Coffee (4-4), Farm Fresh (4-4), Akari (4-4), Galeries Tower (1-7), Capital1 (1-6) at Nxled (0-8).
Ibinabase ang team standings sa total points.
Nagmula ang Chargers sa 21-25, 25-20, 26-24, 25-18 pagdaig sa Chameleons.
Sa nasabing panalo ay nagkaroon ng neck injury si team captain Michelle Cobb sa second set.
Sa kabila nito ay tinalo pa rin ng Akari ang Nxled para makabangon sa naunang kabiguan.
“We just want to create a culture on this team. As long as we unite and play as a team, that’s when we can win,” ani Japanese coach Taka Minowa sa Chargers.
Nakalasap naman ang Solar Spikers ng 29-31, 15-25, 15-25 kabiguan sa Thunderbelles sa huli nilang laro.
- Latest