Crossovers sinisiw ng Thunderbelles
MANILA, Philippines — Hinataw ng ZUS Coffee ang ikalawang sunod na panalo matapos gibain ang Chery Tiggo, 25-22, 25-22, 23-25, 25-20, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Jovelyn Gonzaga ng 20 points tampok ang 17 attacks at 15 excellent digs para ibigay sa Thunderbelles ang 4-4 baraha at ilaglag ang Crossovers sa 5-4.
Nagdagdag si Chai Troncoso ng 18 markers habang may 13, 12 at 10 points sina Thea Gagate, Chinnie Arroyo at Mich Gamit, ayon sa pagkakasunod.
“We are never satisfied. We are always working to form,” wika ni coach Jerry Yee na nakahugot kay setter Cloanne Mondoñedo ng 17 excellent sets para sa kanilang opensa.
Inilista ng ZUS Coffee ang 2-0 bentahe matapos hablutin ang first at second sets bago nakasingit ang Chery Tiggo sa third frame, 25-23, sa likod nina Ara Galang, Shaya Adorador at Ces Robles.
Sa fourth set ay kinuha ng Thunderbelles ang 18-14 bentahe patungo sa pag-iwan sa Crossovers sa 23-17.
Ang crosscourt hit ni Gonzaga ang sumelyo sa back-to-back wins ng ZUS Coffee.
“Kapag pagod na kasi mahirap iyong consistent ka pa rin, tama pa rin iyong decision-making mo, tama pa rin iyong kinikilos mo,” wika ni Yee. “Kaya tayo nagwo-workout, kaya tayo nag-eensayo, kaya tayo nagre-repetitions.”
- Latest