Nesthy Petecio desididong mag-gold sa LA Olympics
MANILA, Philippines — Walang duda na pursigido si Nesthy Petecio na maiuwi ang gintong medalya sa 2028 Olympic Games na idaraos sa Los Angeles, California sa Amerika.
Nanganganib pang matanggal ang boxing sa LA Olympics dahil sa kaliwa’t kanang isyu ng international boxing association nito.
Subalit kumpiyansa si Petecio na mananatili sa kalendaryo ng Olympics ang boxing sa LA edition nito.
“Sure na yan sobrang 100 percent ako na may boxing ang Olympics sa LA,” ani Petecio.
Dalawang beses nang nabigyan ng pagkakataon si Petecio na makapag-uwi ng ginto sa Olympics.
Subalit bigo ito sa kanyang unang dalawang pagtatangka matapos magkasya sa pilak sa kanyang unang Olympics noong 2020 Games sa Tokyo, Japan.
Sa 2024 Paris Olympics, nagkasya naman sa tanso si Petecio matapos matalo sa semifinals.
Kung mabibigyan ng pagkakataon na muling makapasok sa LA Olympics, walang duda na ilalabas na ni Petecio ang buong lakas nito para magkaroon ng magandang pagtatapos ang kanyang amateur boxing career.
“Kung bibigyan ako ng pagkakataon na mag-qualify ako, ipupush pa natin ng ipupush na maiuwi natin ang ginto,” ani Petecio.
Ibubuhos ni Petecio ang lahat sa training para matiyak na nasa perpektong kundisyon ito sa oras na dumating ang naturang pagkakataon.
Bibitbitin ni Petecio ang isang pangakong nais nitong matupad.
“Walang hinto hanggang walang ginto,” deklara ni Petecio.
- Latest