Obiena tumalon ng silver sa Germany
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Pinoy pole vaulter EJ Obiena nang kubrahin nito ang silver medal sa 2025 International Jump Meeting Cottbus na ginanap sa Germany.
Itinarak ng two-time Olympian ang 5.65 metro sapat para angkinin ang pilak.
Sinubukan pa ng Pinoy champion na makuha ang 5.75m subalit bigo ito sa kanyang pagtatangka.
Una nang nalampasan ni Obiena ang 5.40m kasunod ang 5.55m at ang 5.65m.
Naibulsa ni Paris Olympics silver medalist Sam Kendricks ng Amerika ang gintong medalya matapos makuha ang 5.75m.
Nagkasya naman sa tanso si Bo Kanda Lita Baehre ng Germany na may parehong 5.65m gaya ng kay Obiena.
Sa katunayan, tatlo silang may 5.65m kasama si Ben Broeders ng Belgium.
Subalit angat si Obiena sa countback para masiguro ang pilak habang lamang din si Baehre kay Broeders sa countback para kunin ang tanso.
Ito ang unang tournament ng world No. 4 na si Obiena sa taong ito matapos ang ilang buwan na pahinga dahil sa injury.
“Back at it after what seems like forever. On the 29th, I’ll be kicking off my indoor season in Cottbus, Germany. I’m excited to be back in the thick of things and to see what’s in store,” ani Obiena sa kanyang naunang post sa social media.
Noong Nobyembre, binuksan ni Obiena ang training pole vault facility sa Laoag, Ilocos Norte.
“This is my first attempt to teach our young athletes how to fish for medals. I believe in investing in our youth. I believe in the greatness that resides in every Filipino in every corner of the Philippines. Let this be simply the beginning,” ani Obiena.
- Latest